Itinanggi ni Senator Rodante Marcoleta na nagsisilbi siya bilang abogado ng mag-asawang Curlee at Sara Discaya, taliwas sa puna ng marami na tinutulungan niya ang mag-asawa, kasunod na rin ng mga serye ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa flood control scandal.
Sa isang panayam, sinabi ni Marcoleta na kinukuwestyun lamang niya ang paggamit sa restitution bilang requirement sa pagtanggap sa Witness Protection Program (WPP).
Ayon kay Marcoleta, mistulang ginagamit ng Department of Justice ang restitution para limitahan ang mapipiling maisasailalim sa WPP.
Nanindigan ang mambabatas na hindi kailangan ng restitution kapag nag-aaply pa lamang ang isang indibidwal at saka pa lamang magkakaroon ng civil indemnity o bayad-pinsala kapag mayroon nang desisyon ang korte.
Pinangangambahan ni Marcoleta na ang pagpupumilit ng DOJ na pagbayarin ang mga personalidad na nagnanais maging state witness ay pagmumulan ng korapsyon, dahil wala aniya ito sa batas.
Ayon pa sa Senador, hindi ang mag-asawang Discaya ang kaniyang ipinagtatanggol sa pagkuwestyon sa restitution.
Nagkataon lamang aniya na ang mag-asawang kontraktor ang unang nag-apply para sa WPP at sa simula pa lamang ay ipinipilit na ni dating DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla na dapat munang magsauli ang mga ito ng kanilang mga ‘ninakaw’ na pera, bagay na hindi aniya pinapayagan ng batas.
Nanindigan ang Senador na ang WPP ay dapat para sa lahat ng mga kwalipikadong testigo na buong-loob na tutulong sa gobiyerno.
















