May pera sa basura.
Ito ang inilatag na konsepto ni Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Caloocan City 3rd District Rep. Dean Asistio kung saan hinihikayat nito ang mga Local Government Units (LGUs) lalo na sa Metro Manila para ikonsidera nila ang “monetization” sa aspeto ng garbage collection.
Inihayag ni Asistio na ang “kita sa basura” ay sa pamamagitan ng pagbili ng LGUs sa basura ng mga residente sa kanilang lugar kung saan ito ay ito ire-recyle na naglalayong matugunan ang matagal ng problema sa basura na nagiging sanhi ng mga pagbaha.
Ipinaliwanag pa ng kongresista na ang kaniyang konsepto ay maisasakatuparan sa pamamagitan ng paghahain ng City Ordinance ng isang LGU para hikayatin ang mga mamamayan sa kanilang lugar na ipagbili ang kanilang mga basura.
Partikular na tinukoy ni Asistio ang mga residente malapit sa mga waterways o ilog na madalas pagtapuan ng bulto-bultong basura na pinagmumulan ng matinding pagbaha hindi lamang aniya sa Metro manila kundi pati sa mga karatig lugar nito.
Binigyang diin pa ni Asistio na ang pangunahing dahilan ng mala-dagat na pagbaha sa Kalakhang Maynila ay ang kawalang displina ng mga walang displinang mamamayan na walang habas na tinatapon-tapon kung saan-saan ang kanilang mga basura.
Dahil dito, naniniwala ang mambabatas na ang pagbibigay ng reward o monetization sa basura ang posibleng magsilbing solusyon sa matagal ng problema ng tambak na basura at pagbabaha.
“Everyone knows that garbage has been the major cause of floods in the Metro. One of the main issue here is the indiscriminate throwing of waste. I encourage LGUs to consider monetizing garbage collection and segragation in identified residential areas,” pahayag ni Asistio.