Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang panig ng Pilipinas sa Amerika para sa posibleng pag-deploy ng karagdagang military assets at kagamitan, kabilang na ang mga missile system.
Ito ay parte ng pagpapalakas pa ng Pilipinas ng ugnayang militar nito sa Estados Unidos bilang bahagi ng estratehiya para sa depensa.
Ayon kay Philippine Ambassador to the US Jose Manuel “Babe” Romualdez, may mga nakatakdang joint military exercises bago matapos ang taon upang mas sanayin ang mga sundalo ng Pilipinas sa paggamit ng mga kagamitang maaaring ibigay ng Estados Unidos.
Aniya, bukod sa missile systems, pinag-uusapan din ang iba pang kagamitan gaya ng para sa intelligence gathering.
Ang mga hakbang na ito ay sakop ng 1951 Mutual Defense Treaty (MDT) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng PH at Amerika.
Bahagi din aniya ito ng prinsipyo ng “peace through deterrence” o kapayapaan sa pamamagitan ng pagpigil.
Tungkol naman sa posibleng reaksyon ng China, nilinaw ng PH envoy na ang mga hakbang na ito ay para lamang sa depensa at proteksyon ng teritoryo ng Pilipinas, at hindi ito dapat ikabahala ng ibang bansa.