Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) ang presensiya ng dalawang barkong pandigma ng Estados Unidos sa layong 30 nautical miles mula sa Panatag (Scarborough) Shoal.
Ang USS Higgins (DDG-76), isang guided-missile destroyer, at ang USS Cincinnati (LCS-20), isang littoral combat ship, ay namonitor sa lugar ilang araw matapos ang banggaan ng dalawang barko ng China sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Ayon kay Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG para sa West Philippine Sea, ang presensiya ng mga barko ng US ay naganap kasunod ng insidente noong Agosto 11 kung saan ang China Coast Guard (CCG) vessel na may hull number 3104 ay bumangga sa isang barkong pandigma ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) habang hinahabol ang barkong PCG na BRP Suluan.
Sa ulat ng PCG, nagsagawa ng mapanganib na maniobra ang CCG vessel na naging sanhi ng banggaan.
Malubha ang pinsala sa unahan ng barkong Tsino, habang nakaiwas naman ang BRP Suluan sa insidente.
Nabatid na ang Panatag Shoal, kilala rin bilang Bajo de Masinloc, ay isang bahura na matatagpuan sa loob ng 200-nautical mile Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Bagamat matagal nang bahagi ng tradisyunal na pangingisda ng mga Pilipino, ito ay inaangkin din ng China at patuloy na binabantayan ng kanilang coast guard at navy.
Noong 2012, nagsimula ang tensyon sa lugar nang magkaroon ng standoff sa pagitan ng Pilipinas at China, na nauwi sa de facto control ng China sa bahura.
Ang pagdating ng mga barkong pandigma ng US ay bahagi ng mas malawak na estratehiya ng Washington upang ipakita ang suporta sa mga kaalyado nito sa Indo-Pacific, kabilang ang Pilipinas.
Sa ilalim ng Mutual Defense Treaty ng 1951, may obligasyon ang Estados Unidos na tumugon sa mga armadong pag-atake laban sa mga barkong pampubliko ng Pilipinas sa Pacific.
Bagamat hindi direktang nakikialam ang US sa mga territorial dispute, ang kanilang presensiya ay itinuturing na mensahe ng pagpapanatili ng kalayaan sa paglalayag at paggalang sa international law.
Patuloy na naninindigan ang Pilipinas sa karapatang pangkaragatan nito, batay sa 2016 arbitral ruling na pumabor sa bansa at nagpawalang-bisa sa malawak na nine-dash line claim ng China.
Sa kabila ng mga insidente ng pangha-harass sa mga mangingisdang Pilipino, nananatiling aktibo ang PCG sa pagbibigay-proteksyon at pagmomonitor sa mga aktibidad sa West Philippine Sea.