Sinimulan na ng Pilipinas at France ang pagtalakaay sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa Paris ngayong linggo.
Dito, isinagawa ang unang round ng negosasyo para sa naturang kasunduan na inaasahang magbibigay daan sa dalawang bansa na makapagsagawa ng joint military exercises sa teritoryo ng bawat isa.
Ayon kay French Ambassador Marie Fontanel-Lassalle, matagumpay at very promising ang naturang pag-uusap kung saan posible aniyang matagalan ang proseso dahil sa nature ng mga negosasyon.
Inihayag din ng French Ambassador na sakali mang humantong ang mga pag-uusap sa paglagda ng kasunduan, ang France ang magiging unang European country na magkakaroon ng VFA sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan, ang PH ay mayroon ng VFA sa matagal na nitong kaalyadong bansa na Amerika na nilagdaan noong 1999 at sa Australia na niratipikahan naman noong 2012.
Noong nakalipas na taon lamang din ay lumagda ang Pilipinas sa Reciprocal Access Agreement (RAA) sa Japan na naging epektibo kamakailan lang kasunod ng ratipikasyon nito.
Lumagda din ang Pilipinas ng VFA sa New Zealand noong Abril at kamakailan, natapos na ang negosasyon sa Canada.