-- Advertisements --

Arestado ng National Bureau of Investigation – Central Visayas (NBI-7) ang dalawang Chinese-Malaysian nationals sa Cebu City noong Agosto 8 dahil sa umano’y pag-eespiya gamit ang mga high-tech na electronic device.

Kinilala ang mga suspek bilang sina Yee at Tan, na nadakip matapos makatanggap ang NBI ng ulat mula sa isang housekeeping attendant ng hotel na nakakita ng kahina-hinalang kagamitan sa kanilang kuwarto, kabilang ang laptops, Raspberry Pi units, antennas, at modular setups.

Natuklasan ng mga eksperto mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT), Cybercrime Investigation and Coordinating Center in the Philippines (CICC), at National Telecommunications Commission (NTC) na ang mga ito ay data sniffers—mga kagamitang kayang mag-intercept ng impormasyon mula sa cellular networks hanggang 5G.

Karamihan sa mga ito ay nangangailangan ng pahintulot mula sa NTC bago gamitin.

Inihahanda na ng mga awtoridad ang pagsampa ng kaso laban sa dalawa sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175), habang isinasailalim sa forensic analysis ang mga nasabat na kagamitan.