Nag-isyu ng mga panuntunan ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga panuntunan para sa tamang pasahod sa holidays sa Agosto 21 o Ninoy Aquino Day at Agosto 25 o National Heroes Day.
Ayon kay Labor Sec. Bienvenido Laguesma, idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bisa ng Proclamation No. 727 ang Agosto 21 bilang special non working holiday habang ang Agosto 25 naman bilang regular holiday.
Sa inisyung guidelines ng ahensiya, ang mga empleyado sa mga pribadong sektor na papasok sa special non-working holiday sa Agosto 21 ay dapat na makatanggap ng karagdagang 30% ng kanilang arawang sahod liban pa sa basic wage para sa unang walong oras.
Kapag overtime naman, dapat makatanggap ang mga empleyado ng 30% ng kanilang orasang sahod. Kapag nataon namang rest day, dapat na makatanggap ng dagdag na 50% ng 200% holiday rate at kung overtime pa ay may dagdag na 30% ng orasang sahod.
Ipapatupad din ang “no work, no pay” maliban na lamang kung may polisiya ang kompaniya o collective bargaining agreement.
Samantala, para naman sa regular holiday sa Agosto 25, dapat na makatanggap ng double pay para sa unang walong oras at kapag nag-overtime ay dapat na makatanggap ng dagdag na 30% ng orasang sahod.
Kapag nataong rest day at pumasok ang empleyado, dapat na mabayaran ng karagdagang 30% ng basic wage maliban pa sa double pay at kung overtime, may dagdag na 30% ng orasang sahod.
Makakatanggap pa rin ng 100% ng basic wage ang mga empleyadong hindi papasok sa regular holiday, basta’t pumasok sa trabaho isang araw bago ang holiday.