Binigyang linaw ng Department of Justice na hindi maapektuhan ang pagiging ‘state witness’ ni former Department Public Works and Highways Usec. Roberto Bernardo kasunod ng pagharap nito sa isang pagdinig sa Sandiganbayan.
Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, ang pahayag nitong nakatanggap umano ng ‘balato’ mula kay former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co ay walang agaran o direktang epekto sa status nito sa Witness Protection Program.
Giit niya’y nakabase lamang sa mga isinusumiteng ‘affidavits’ ang mga pagbabago sa kanilang ‘admission’ sa naturang programa.
Kung kaya’t anuman ang maging pahayag ni state witness Roberto Bernardo o ng ninuman na nasa ilalim ng Witness Protection Program ay ikukunsidera sa oras na pormal na isumite sa tanggapan.
Dagdag pa niya’y ang mga pagdinig ng preliminary investigation o proseso ng programa ay limitado sa kung anong mga inihahain o nakakalap na ‘salaysay’ sa kaso.
Ito lamang raw ang maaring tingnan ng opisyal o may hawak sa naturang reklamo laban sa ilang mga inidbidwal nasasangkot sa maanomalyang flood control projects.
Nilinaw din ng tagapagsalita na ang aplikasyon upang maging ‘state witness’ ay saklaw o para sa partikular na mga proyekto o sitwasyon lamang.
Kung kaya’t hindi aniya makakaapekto ang salaysay ni Bernardo sa ibang korte lalo pa’t ito’y labas sa ‘proceedings’ ng Witness Protection Program.
Kaugnay ang paglilinaw ng DOJ matapos tumestigo sa Sandiganbayan si Bernardo at aminin na binigyan umano siya ni former Rep. Zaldy Co ng P130 million bilang balato kaugnay sa mga proyekto ng pamahalaan.
















