-- Advertisements --

Nagsagawa ng kilos protesta ngayong araw ang ilang indibidwal at grupo ng Samahan ng Ex-detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA) sa paggunita ng International Day in Support of Victims of Torture.

Kung saan sila’y nagtungo mismo sa tapat ng gusali ng Department of Justice sa Padre Faura St. ng lungsod ng Maynila upang mabigyang pansin ang kanilang hinaing.

Ito anila’y ang kanilang pagpapakita ng pakikiisa at pagtindig sa mga survivors ng torture, kanilang mga kaanak, at lalo na sa mga political prisoners.

Hiling nila sa kanilang demonstrasyon ang kadyat at buong implementasyon ng pagpapatupad sa mga batas ng anti-torture laws, imbestigasyon, at prosekusyon ng mga kasong may kinalaman sa pananakit o torture.

Ito’y sa kabila raw na kahit pa mayroon ng Anti-Torture Act of 2009 at ang pakikibahagi ng bansa sa United Nations Convention Against Torture o UNCAT.

Patuloy pa rin umano ang mga naiuulat na krimeng sistematikong ginagamit bilang pangontra sa mga aktibista, political prisoner at mga ordinaryong mamamayan ng bansa.

Kaya’t bunsod nito’y panawagan ng naturang grupo ang pagpapalaya sa mga nakapiit na ‘political prisoners’ na nakaranas umano ng pisikal at sikolohikal na pangto-torture habang nasa kustodiya ng bilangguan.

Giit nila na sa halip gawing pokus ng persekusyon ang mga biktima, mas maiging suportahan na lamang raw sila para makuha ang hustisya at medikal na pangangalaga o pangangailangan.

Kanilang seseguraduhin umano ang pagsuporta sa mga biktima ng torture na nahihirapang makamit ang hustisyang hiling na makamtan.