Iminumungkahi ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center ang mas mahigpit na regulasyon sa online gaming kaysa sa tuluyang pagbabawal nito, ayon kay Atty. Renato ‘Aboy’ Paraiso, Deputy Executive Director ng CICC.
Ayon kay Paraiso, ang total ban sa internet gaming ay maaaring magtulak sa mga lehitimo at rehistradong platform na mag-operate sa ilalim ng radar, na magpapahirap sa mga awtoridad na habulin at ipatigil ang kanilang operasyon.
Ang CICC, na nasa ilalim ng DICT, ay nasa puspusan pagsisikap ngayon upang mapuksa ang mga ilegal na online gambling sites sa bansa.
Binanggit ni Paraiso na dapat isaalang-alang ang bilyong pisong kita ng gobyerno at mga trabahong nalilikha para sa mga Pilipino na maaaring mawala kung ipapatupad ang total ban sa internet gaming.
Ayon sa kanya, ang malinaw at mahigpit na gabay sa online gambling ay dapat panagutan ng lahat ng stakeholders—regulators, internet service providers, platform operators, at mga magulang – upang maprotektahan ang mga menor de edad at maiwasan ang pagkakalulong sa sugal.
Dagdag pa ni Paraiso, nasa tamang direksyon ang CICC sa kampanya nitong sugpuin ang paglaganap ng ilegal na internet gambling.
“Sa tulong ng publiko at ng mga katuwang naming ahensya sa law enforcement, patuloy ang CICC sa paglapit sa layuning tuluyang matuldukan ang ilegal na online gaming platforms,” aniya.
Ipinagmalaki ni Paraiso ang mga matagumpay na operasyon ng CICC laban sa mga ilegal na internet gambling syndicate sa bansa. Isa sa mga ito ay ang isinagawang operasyon noong Marso 19, 2025 sa Makati City, katuwang ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), kung saan naaresto ang 131 katao, kabilang ang 96 dayuhang suspek.
Ang mga ito ay nadakip habang nagpapatakbo ng ilegal na online gambling platform sa ilalim ng pangalan ng isang diumano’y software service provider na Flying Future Services Inc. Nakumpiska sa operasyon ang mga mobile phone, laptop, SIM cards, ID, at mga dokumento ng kumpanya.
Noong Pebrero 16, 2025, tatlong Chinese nationals ang inaresto sa Santa Rosa, Laguna dahil sa pagkakasangkot sa isang sindikato ng ilegal na sugal at online prostitution. Ang operasyon ay isinagawa rin sa pakikipagtulungan sa Bureau of Immigration (BI) at PAOCC, at bahagi ng pinalawak na saklaw ng operasyon ng CICC sa mga lugar sa labas ng Metro Manila.
Simula Enero hanggang kalagitnaan ng Hunyo 2025, tinatayang 5,099 na indibidwal ang naaresto sa mga operasyong may kaugnayan sa cybercrime, ayon sa mga ulat ng ahensya. Kabilang dito ang 608 katao na naaresto sa mga entrapment operation, at 116 sa kanila ay nahatulan na ng korte. Malaking bahagi ng mga ito ay dating empleyado ng mga ilegal na gambling network na konektado sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Patuloy rin ang CICC sa pagsira at pagharang sa mga imprastrakturang ginagamit ng mga sindikatong sangkot sa ilegal na sugal, gaya ng SIM card fraud at hindi rehistradong e-wallet operations. Ito ay bahagi ng mandato ng CICC sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act upang pigilan ang mga krimeng isinasagawa sa digital na paraan.
Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na puksain ang mga ilegal na offshore gaming operations sa bansa at parusahan ang mga cybercrime na kaugnay nito.
Mananatiling pangunahing katuwang ang CICC sa laban kontra organisadong cybercrime, lalo na sa larangan ng online gambling, digital fraud, at pagsasamantala sa sistemang pangtelekomunikasyon ng Pilipinas.