Ibinunyag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na dalawang pulitiko mula sa Northern Luzon ang lumalabas na nasa likod ng nadiskubreng ilegal na pagawaan ng sigarilyo sa Mexico, Pampanga.
Sa naging inspeksyon ni Remulla sa warehouse na nirentahan ng Samyoung Global Corporation, kinumpirma nito na hawak na nila ang intelligence report na nag-uugnay sa nasabing mga pulitiko sa operasyon ng kontrabando.
Kasabay nito, nagbabala ang kalihim na hindi titigil ang operasyon dahil nasa sampu (10) pang pabrika sa iba’t ibang panig ng bansa ang target ngayong salakayin ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Customs (BOC).
Sa naturang raid sa Pampanga, timbog ang anim na Chinese nationals na nagpapatakbo ng pasilidad, habang nasagip naman ang 65 na workers na pawang mga Pilipino at umano’y biktima ng pang-aabuso.
Sa taya ng mga otoridad, pumalo na sa P10-bilyon ang kabuuang halaga ng mga nasabat na smuggled at ilegal na yosi simula pa noong Disyembre bunsod ng pinaigting na kampanya.
















