Pinamamadali ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara ang pagkaka-kumpleto ng mga silid-aralan na ilang taon nang naantala.
Marami sa mga naturang pasilidad ay naiwan lang na nakatiwangwang matapos simulan; ang iba rito ay mistulang inabandona na.
Ayon kay Sec. Angara, mahigit walong libong (8,000) classroom project ang sabay-sabay nang ginagawa ngayon, at binabantayan ng ahensiya ang tuluyang pagka-kumpleto sa mga ito sa lalong madaling panahon.
Mula sa naturang bilang, mahigit 3,600 classroom na rin ang nakukumpleto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at inaasahang magagamit na ng mga mag-aaral sa mga susunod na school year.
Ayon pa sa kalihim, ipinanukala ng DepEd ang hanggang P3.192 billion na pondo ngayong taon para makumpleto ang kabuuang 3,614 classrooms.
Gayonpaman, tanging P2.282 billion lamang ang inaprubahan ng Kongreso, at ito ay sasapat lamang para sa 2,067 silid-aralan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Sa kabila nito, tiniyak ng kalihim na nagsisilbing prayoridad ng kasalukuyang administrasyon ang paglalaan ng sapat na school infrastructure para sa mga mag-aaral upang matiyak ang kalidad, sapat, at ligtas na edukasyon.














