-- Advertisements --

Naglabas na ng pahayag si dating Senator Cynthia Villar matapos maging viral ang kanyang alitan sa security personnel ng isang resort village noong Martes hapon.

Sa viral video, makikita si Villar na nagagalit sa mga security personnel dahil sa binagong rules ng trapiko sa paligid ng village, partikular sa harap ng kanyang tahanan kung saan maririnig siyang sinisigawan ang mga security guard, “Ide-demanda ko kayo!” ani Villar sa mga guard ng village na mahinahon na tumugon, “Kalsada ’yan, ma’am.”

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Villar na ang insidente ay nag-ugat sa pag-install umano ng “No U-Turn” signage at bollards sa harap ng kanyang bahay nang walang paunang abiso o konsultasyon, at ayon sa kanya, iniutos ng ”ILLEGAL BF Resort Village Homeowners Association (HOA) officers.”

“No official documentation or authorization from the legitimate Homeowners’ Association (HOA) was presented to justify the installation of the signage,” pahayag ni Villar.

Dagdag pa ng dating Senadora, ang kasalukuyang board ng HOA na sangkot ay dati raw idineklarang ilegal ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at ng Human Settlement Adjudication Commission, at ang naging desisyon daw ng grupo ay wala umanong tamang pahintulot.

Nagdu-dulot lang din daw ito ng traffic congestion, na nakaaapekto sa mga residente at motorista, at naglalagay lamang sa safety concerns at posibleng pinsala sa mga ari-arian.

Binigyang-diin pa ni Villar na dapat ay proper informed at may konsultasyon sa mga residente ang mga isyu na may kinalaman sa access, daloy ng trapiko, at pang-araw-araw na mobility sa komunidad.

Hiniling niya rin ang transparency, due process, at respeto sa legal na proseso upang maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap.