Tinuligsa ni Vice President Sara Duterte ang imbestigasyon ng administrasyong Marcos laban sa partikyular na water firm na pag-aari ng pamilya Villar, bilang isang “politikal na maniobra” laban sa mga kalabang hindi umano kayang bayaran o takutin ng gobyerno.
Ito’y kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na imbestigahan ang water utility company matapos dagsain ng reklamo ng mga kostumer hinggil sa kawalan ng tubig o labis na mahinang pressure sa ilang lugar.
Ayon sa Malacañang, seryoso ang Pangulo sa pagtugon sa isyung ito, na anila’y may epekto sa kalusugan at kalidad ng pamumuhay ng publiko.
Ngunit para kay Duterte, malinaw na ang layunin ng aksyon ay sirain ang mga katunggali sa politika—lalo na’t ang anak ni dating Senador Manny Villar, si Deputy Speaker Camille Villar, ay kandidato sa Senado at mahigpit na katunggali ni Senadora Imee Marcos, kapatid ng Pangulo, para sa huling mga puwesto sa Magic 12.
Hindi rin nalimutan ni VP Duterte na idiin ang suporta niya kay Camille Villar, na ayon sa kanya ay may malinis na rekord at may kakayahang magserbisyo. Tinawag niya ang imbestigasyon bilang “selective justice” at babala umano sa iba pang mga personalidad na hindi susunod sa linya ng kasalukuyang pamahalaan.
Ang pahayag ni VP Duterte ay nagpapalalim sa tensyon sa pagitan ng kampo niya at ng Marcos administration, na ilang buwan nang may lumalalang alitan, lalo na sa isyu ng confidential funds, mga pulitikong kaalyado, at impluwensiya sa nalalapit na halalan sa 2025.(report by Bombo Jai)