-- Advertisements --

Nagsuko ng limang firearms si fugitive businessman Atong Ang matapos bawiin ng Philippine National Police (PNP) ang kanyang firearms licenses, ayon sa kanyang abogado at sa pulisya nitong Miyerkoles.

Sa liham kay PNP-Firearms and Explosives Office (FEO) acting chief Jose Manalad Jr., sinabi ni Atty. Gabriel Villareal na naiturn-over ang mga baril noong Enero 20 sa Mandaluyong City Police Station, kasunod ng revocation ng lisensiya ni Ang habang kaharap niya ang arrest warrant kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.

Kabilang sa isinuko ang isang 5.56 caliber Colt rifle, Glock 9mm pistol, 9mm Sig Sauer pistol, .38 Smith & Wesson revolver, at Battle Arms Development 9mm pistol. Isa pang rehistradong .260 BAD rifle ang naiulat na nawala noong Oktubre 2025.

Kinumpirma ni Manalad na nakasunod si Ang sa kautusan sa takdang panahon at ang mga baril ay naka-safekeeping na sa PNP. Dahil dito, hindi na itinuturing na “armed and dangerous” si Ang batay sa dating klasipikasyon ng pulisya.

Patuloy ang manhunt operations para maaresto ang negosyante na nananatiling at-large. (report by Bombo Jai)