Mananatili muna ang ipinatutupad na COVID-19 alert level status sa ating bansa.
Ito ay habang wala pang bagong resolusyon na inilalabas ang Inter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
Ibig sabihin, Alert Level 1 pa rin ang iiral sa Metro Manila, tulad nang una nang itinakdang alert level sa rehiyon, simula noong July 1 hanggang kahapon (July 15).
Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, sa Lunes (July 18), susuriin ng IATF ang umiiral na Alert Level sa bansa.
Alinsunod na rin ito sa una nang sinabi ng Malacañan na maaari namang gumawa ng kinakailangang ekstensyon depende sa pangangailangan ng sitwasyon.
Matatandaan na una na ring sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na sa kasalukuyan, maganda ang itinatakbo ng COVID-19 response ng pamahalaan.
Gayunpaman, hindi pa rin magpapaka-kampante ang gobyerno sa pagtugon sa pandemiya.