Pinanghimasukan umano ng Korte Suprema ang eksklusibong kapangyarihan ng Kamara de Representantes na magsimula ng impeachment process sa inilabas nitong desisyon sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte na sinuportahan ng 215 kongresista, ayon kay Manila Rep. Joel Chua ngayong araw.
Sinabi ni Chua na miyembro ng House prosecution panel at tagapangulo ng House committee on good government and public accountabilit na nagdagdag ang Korte Suprema ng mga “parameters o steps” na sumasaklaw sa eksklusibong prerogative ng Kamara na magsimula ng impeachment laban sa isang opisyal.
Sinabi rin niyang ang mga karagdagang rekisito ay nagpapahirap sa Kamara na magsagawa ng impeachment sa hinaharap.
Binigyang-diin niya na ang paglalagay ng karagdagang parameters para sundin ng Kamara sa pagsasampa ng impeachment laban sa isang opisyal ay hindi saklaw ng kapangyarihan ng Korte Suprema.
Ito ay katumbas umano ng pag-aamyenda sa impeachment rules ng Kamara.
Samantala, sinabi naman ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na ilang miyembro ng Constitutional Commission na bumuo ng kasalukuyang Konstitusyon ang nagsabing sinadya nilang gawing “mas madali, mas mabilis at madaling maintindihan ng ating mga kababayan” ang proseso ng impeachment.
Tinukoy niya ang paggamit ng salitang “forthwith” sa mandato ng Konstitusyon para simulan agad ng Senado ang paglilitis sa sandaling maisumite ng Kamara ang impeachment complaint.