Nilinaw ni Senador Sherwin Gatchalian na may dalawang paraan upang muling maibalik sa order of business ng Senado ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa senador, maaaring maganap ito sa pamamagitan ng boto ng limang senador para mahugot mula sa Senate archive ang impeachment complaint, o pagsuspinde ng mga rules sa pamamagitan ng boto ng mayorya o 13 senador.
Paliwanag pa ni Gatchalian, kailangan lamang na may maghain ng mosyon para ibalik ang impeachment case sa plenaryo at saka pagbotohan.
Kapag kahit lima lang ang umayon dito, muling gugulong ang pagtalakay sa kaso.
Gayunpaman, iginiit ng senador na nakadepende pa rin ito sa magiging pasya ng Korte Suprema.
Mabigat aniya ang pahayag ng Supreme Court na void ab initio o walang bisa mula’t sapul, kaya’t tila walang natanggap na impeachment complaint ang Senado.
Subalit kung sabihin ng Korte Suprema na hindi ito void ab initio, nangangahulugang valid ang pagkakatanggap ng Senado sa impeachment at maaari nang dumiretso sa impeachment trial.
Giit ni Gatchalian, hindi Senado ang pumatay sa impeachment laban kay VP Sara kundi ang Korte Suprema.
Dahil ang Korte ang nagpasya na ito ay void ab initio.
Noong Miyerkules, umabot nang mahigit 6 na oras ang mainit na debate sa plenaryo ng Senado upang pagpasyahan ang impeachment case ni Duterte.
Labinsiyam (19) na senador ang bumotong pabor dito, isa (1) ang nag-abstain, samantalang apat (4) naman ang tumutol at nais lamang na i-postpone ang naunang motion to dismiss na inihain ni Senador Rodante Marcoleta kaugnay ng impeachment case ni VP Sara.
Dahil nanaig ang mosyon na i-archive, nangangahulugan itong itetengga ang impeachment complaint ni VP Sara sa archive ng Senado, at maaari lamang itong muling buksan kung magkakaroon ng kasunduan ang mayorya ng mga senador.
Kabilang sa mga tumutol sa pag-archive ng articles of impeachment laban kay Duterte ay sina Senators Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan, Bam Aquino, at Tito Sotto.
Nag-abstain naman si Senador Ping Lacson.