-- Advertisements --

Nananawagan ng tulong ang Philippine Coast Guard sa Kongreso para mapalakas ang depensa ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Partikular na apela ng ahensya na madagdagan ang kanilang budget para sa Fiscal Year 2026.

Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Commodore Jay Tarriela , sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na aniya si PCG Commandant Admiral Ronnie Gavan sa Senado at Kamara.

Kailangan ang karagdagang mga asset, tulad ng 97-meter Multi-Role Response Vessels (MRRV) na gaya ng BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701), upang mas mapangalagaan ang soberanya ng bansa sa West Philippine Sea.

Ayon kay Tarriela, layunin din nitong masiguro ang kaligtasan ng mga Pilipinong mangingisda laban sa pangha-harass ng China sa naturang karagatan.

Sa ngayon kasi dalawa lamang ang malalaking MRRV ng PCG, ito ay ang BRP Teresa Magbanua at BRP Melchora Aquino.

Ang naturang mga barko ay ginagamit ng PCG sa kanilang malalayong operasyon.