Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program 4Ps ay binigyan ng pondo na nagkakahalaga ng mahigit P112.9 billion sa ilalim ng panukalang 2026 national budget.
Subalit walang alokasyon para sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program o AKAP sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program o NEP.
Ito ang kinumpirma ni Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Ang AKAP ay ibinibigay para duon sa mga minimum-wage earners kung saan nagkaroon ito ng kontrobersiya dahil binigyan ito ng alokasyon sa 2025 national budget na nagkakahalaga ng P26 billion.
Sinabi ni Pangandaman na mayroon pang natitirang pondo sa 2025 national budget.
Limitado rin aniya ang fiscal space kaya hindi muna nila isinama ang AKAP sa binigyan ng pondo.
Ipinaliwanag ng kalihim na nasa mahigit sampung trilyong piso ang orihinal na kabuuang halaga ang budget proposals mula sa mga ahensya ngunit hindi lahat ay napagbigyan.
Sinabi naman ni House Committee on Appropriations Chairperson Mikaela Suansing na hindi pa napag-uusapan sa Kamara ang AKAP ngunit magbabase umano sila sa isinumiteng NEP.
Dinepensahan din ni Suansing ang AKAP at iginiit na lubhang nakatulong ito sa mamamayan lalo na sa mga hindi naaabot ng Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS at minimum wage earners.
Sa Budget message ni Pangulong Marcos, ang TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantage Workers Program ay binigyan ng alokasyon na P11 billion habang ang Department of Labor and Employment Integrated Livelihood Program ay ipinanukalang makakatanggap ng P2.2 billion budget.
Dinipensa ng Pangulo ang pondo na inilaan sa 4Ps dahil makakatulong ito na mabigyan ng de kalidad na buhat ang nasa 4.4 million na mga marginazlied household beneficiaries.
Kabilang sa mga tulong na ibibigay ay cash grants, rice subsidy, enhanced support services intervention grants, cash grants para sa first 1000-day health monitoring during pregnancy hanggang sa maging dalawang taong gulang ang bata.