-- Advertisements --

Naniniwala si House Majority Leader Sandro Marcos na hindi ngayon ang panahon para talakayin ang isyu ng Constitutional Convention (Con-con) o Charter Change (Cha-cha) lalo at sisimulan na ng Kamara ang budget deliberation para sa panukalang 2026 national budget.

Ginawa ni Marcos ang pahayag kasunod ng pagbuhay sa isyu ng Cha-cha at Con-con.

Giit ng House leader ang pagbusisi sa budget ng mga ahensiya ng pamahalaan ay isang madugong proseso na kailangang pakatutukan.

Sa katunayan hiniling ng Kamara sa Senado na palawigin ng isa pang linggo ang talakayan sa budget.

Sa isang interview sinabi ni Marcos mas bibigyan nila ng pokus ang pagtalakay sa budget para maipasa ang pambansang pondo sa takdang panahon.

Una ng inihayag ni Rep. Marcos na hindi niya hahayaan na maipasa ang budget sa plenaryo ng Kamara na hindi naayon sa National Expenditure Program (NEP).

Inihayag din ni Majority leader na nakapagpadala na sila ng imbitasyon sa mga ahensiya ng gobyerno para sa nakatakdang budget deliberation.

Sa darating na Lunes, August 18,2025 sisimulan na ng Kamara ang budget deliberation.