Nanawagan si House Committee on Ways and Means Chairman at Marikina Representative Miro Quimbo ng imbestigasyon sa lumalalang malawakang smuggling ng sigarilyo matapos makumpiska ang 32 trak ng umano’y smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng ₱2.6 bilyon noong Enero 1, 2026.
Dahil dito, inihain ni Quimbo ang House Resolution 636 kung saan hiniling ang agarang pagtugon ng mga appropriate committees na magsagawa in imbestigasyon in aid of legislation.
Ayon kay Quimbo, ang nasabat na kargamento ay katumbas ng ₱875.16 milyong nawawalang buwis, at patunay na nananatiling seryosong problema ang ilegal na kalakalan ng sigarilyo. Noong 2023, tinatayang ₱25.5 bilyon ang nalugi sa excise taxes dahil sa illicit tobacco trade.
Binigyang-diin niya na pinahihina ng smuggling ang sin tax reforms, pinapababa ang presyo ng sigarilyo, at mas pinadadali ang access nito lalo na sa kabataan at mahihirap.
Layunin ng House Resolution 636 na suriin ang pagpapatupad ng batas, koordinasyon ng mga ahensya, at mga parusa upang palakasin ang laban sa smuggling at magsilbing batayan ng mga panibagong batas.












