Isinusulong sa Kamara de Representantes ang Bayanihan 3, isang full package na inaasahang magbibigay ng tulong sa mga Pilipinong apektado sa matinding krisis sa langis dulot ng giyera sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Marikina City 2nd District Rep. Miro Quimbo, maraming House members na ang nagpahayag ng suporta sa naturang panukala, sa pangunguna ni Speaker Faustino Dy.
Sa kasalukuyan, mayroon nang nagawang draft para sa Bayanihan 3 ngunit inaayos pa ang iba nitong nilalaman dahil nais ng House leadership na maging longterm solution ito at hindi lamang panandaliang tugon.
Paliwanag ng mambabatas, nais ng Kamara na makagawa ng akmang solusyon para matuldukan ang kadalasang nangyayari na kapag tumataas ang presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado ay tumataas din ang presyo ng langis sa lokal na merkado sa Pilipinas – dahilan para tumaas din ang presyo ng iba pang pangunahing bilihin.
Ayon kay Rep. Quimbo, tinitipon na ng House leadership ang 13 komite sa Kamara upang pag-usapan at plantsahin ang lalamanin ng Bayanihan 3.
Sa loob ng dalawang lingo, tatalakayin aniya ng mga ito ang lahat ng salik na nakaka-apekto sa oil crisis at ang impact nito, upang makagawa ng akmang panukalang batas.
Bawat komite, ayon kay Quimbo, ay bubuo ng kani-kaniyang report na kinalaunan ay magiging basehan para sa gagawing panukala (Bayanihan 3).
















