Tinatayang nasa 7.5 milyong pamilyang Pilipino ang makatatanggap ng tulong pinansyal sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance Program na inilunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo, chairman ng House Ad Hoc Committee on Legislative Energy and Development (LEAD), kaakibat ng UPLIFT ang mga hakbang na isinulong ng Kamara upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa pamamagitan ng target na ayuda at iba pang reporma.
Sa ilalim ng programa, tatanggap ng isang beses na ₱2,000 ang 3.5 milyong benepisyaryo ng 4Ps at Walang Gutom Program. Samantala, 2.5 milyong mahihirap at near-poor na pamilya at 1.5 milyong low-income workers ang makatatanggap ng ₱2,000 kada buwan mula Hulyo hanggang Disyembre 2026, alinsunod sa mga itinakdang patakaran.
Sinabi ni Quimbo na ang UPLIFT ay patunay ng pagtutulungan ng Ehekutibo at Kongreso upang maibsan ang epekto ng mataas na gastusin at mapalakas ang ekonomiya.
Ipapatupad ang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan.










