Isinusulong ni Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo, Chairperson ng House Committee on Ways and Means, ang agarang pagbuo ng national petroleum reserve at pagpapatibay ng mga alternatibong mapagkukunan ng enerhiya bilang tugon sa krisis sa langis.
Ayon kay Quimbo, ang kasalukuyang krisis na dulot ng digmaan sa Iran ay dapat magsilbing “wake-up call” para sa Pilipinas.
Binigyang-diin niya na ang labis na pagdepende ng bansa sa imported na petrolyo ang naglalagay sa ekonomiya sa panganib tuwing may mga geopolitical na tensyon sa labas ng bansa.
Kabilang sa mga solusyong ipinapanukala ng mambabatas ay ang mabilis na pagpapaunlad ng mga domestic energy sources tulad ng geothermal at natural gas.
“Kailangan nating i-fast-track itong mga alternative sources of energy na ito dahil dito nakasalalay kung paano tayo makakaligtas o mabubuhay sa krisis na ito,” pahayag ni Quimbo.
Bukod sa enerhiya, isinusulong din niya ang pagkakaroon ng sariling imbak na langis ng gobyerno upang matiyak ang suplay at mapanatiling mura ang presyo nito sa gitna ng anumang emergency.
Umaasa si Quimbo na matatalakay at maaprubahan ang mga naturang hakbang bago ang adjournment ng First Regular Session sa unang linggo ng Hunyo.
Ang panawagang ito ay kasunod ng ginanap na emergency meeting nitong Linggo na ipinatawag ni Speaker Bojie Dy kasama ang 13 chairpersons ng iba’t ibang komite sa Kamara upang bumuo ng nagkakaisa at matatag na tugon ng pamahalaan laban sa krisis sa presyo ng langis.















