-- Advertisements --


Naniniwala si Las Piñas City Representative Mark Anthony Santos na ang pagkakapasa ng Anti-Political Dynasty Bill ay isang mahalagang hakbang upang maibalik ang tiwala ng publiko sa Kongreso.

Ginawa ni Santos ang pahayag kasabay ng patuloy na lumalakas na panawagan na ipagbawal na ang political dynasty sa bansa.

Tiwala ang mambabatas na mas marami pang kongresista ang susuporta sa panukala, lalo na’t nagsimula nang magpakita ng interes ang House leadership sa naturang isyu.

Bilang patunay ng suporta ng Kamara, tinukoy ni Santos ang dating inihain nina House Speaker Faustino Dy III at House Majority Leader Sandro Marcos na sariling bersyon ng Anti-Political Dynasty Bill.

Noong Hulyo, kasunod ng pagbubukas ng ika-20 Kongreso, naghain din si Rep. Santos ng katulad na panukala.

Naniniwala ang mambabatas na maging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay magbibigay ng suporta upang tuluyang maipasa ang naturang panukala sa lalong madaling panahon.