-- Advertisements --

Itinulak ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ng Ilocos Norte ang agarang pag-abolish sa travel tax at naniniwalang napapanahon na para tanggalin ito dahil nagiging pabigat na sa mga Pilipinong biyahero at sa pagbangon ng ekonomiya.

Inihain ni Marcos ang House Bill No. 7443 na naglalayong tuluyang ipawalang-bisa ang travel tax na ipinapataw sa ilalim ng Presidential Decree No. 1183 at ng Tourism Act of 2009.

Ayon kay Majority Leader Marcos, ang travel tax na umaabot sa P2,700 para sa first class at P1,620 para sa economy class ay dagdag-gastos na pumipigil sa paggalaw ng mga Pilipinong bumibiyahe para sa trabaho, pamilya at iba pang oportunidad.

Binigyang-diin niya na pabigat ito lalo na sa mga pamilyang Pilipino at mas mainam sanang magamit ang halaga sa pangunahing pangangailangan at lokal na ekonomiya.

Tinukoy rin ni Marcos na karamihan sa mga bansa sa ASEAN ay inalis na ang kahalintulad na buwis upang pasiglahin ang turismo at kalakalan, kaya’t nagiging dehado ang Pilipinas sa pagpapanatili nito.

Sa ilalim ng panukala, ang pondo para sa mga ahensyang kasalukuyang nakikinabang sa travel tax, tulad ng TIEZA, CHED, at NCCA, ay ilalaan na lamang sa General Appropriations Act.

Ani Marcos, hindi pribilehiyo ang paglalakbay para sa maraming Pilipino kundi bahagi ng kanilang kabuhayan at ugnayan sa pamilya, kaya’t ang pagbaba ng gastos sa biyahe ay makatutulong sa turismo at sa mga industriyang umaasa rito.