Inamin ni U.S. President Donald Trump nitong Huwebes (araw sa Pilipinas) na hindi niya maipapangakong mapipilit niyang itigil ni Russian President Vladimir Putin ang pambobomba sa mga sibilyan sa Ukraine —ngunit binalaan niya ang Moscow ng matinding kahihinatnan nito kung hindi nito ihihinto ang mga pag-atake.
Una rito magpu-pulong sina Trump at Putin sa Anchorage, Alaska sa Biyernes, Agosto 15, sa kanilang unang one-on-one talks mula noong 2019.
Ayon kay Trump, ang pulong ay paghahanda para ilatag ang hangarin sa posibleng trilateral meeting kasama si Ukrainian President Volodymyr Zelensky, ngunit aminado ang Estados Unidos na malabong magresulta ito sa agad na tigil-putukan.
“I’ve had that conversation with him… Then I go home and I see that a rocket hit a nursing home,” sabi ni Trump, na nagpahiwatig ng pagkadismaya sa mga patuloy na karahasan sa kabila ng mga pag-uusap kay Putin.
Inilahad pa ni Trump na may sinabi si Putin sa mga nakaraang tawag na gusto nitong tapusin ang digmaan, pero hindi umano ito tumutupad sa kanyang sinabi.
Kung hindi makikinig si Putin sa darating na pagpupulong, tiniyak ni Trump na may ilalatag siyang ”consequence”, ngunit hindi pa niya tinukoy kung ano ang mga ito.
Ayon naman sa datos ng United Nations, mahigit 13,800 sibilyan na ang nasawi sa Ukraine mula nang magsimula ang digmaan noong Pebrero 2022.
Maalalang tinarget nang mga missile attack ng Russia ang mga gusali, ospital, tindahan, at mga lansangan sa Ukraine.
Samantala, nanawagan naman si Zelensky kay Trump at ilang lider sa Europa na pagtuunan ng pagpupulong sa Biyernes ang paghinto ng digmaan upang masimulan na ang pormal na negosasyon tungo sa kapayapaan.