Pumalo na sa 246 ang naitalang bilang ng aftershocks mula nang maramdaman ang mapaminsalang 6.3 main shock kagabi sa Tulunan, North Cotabato at mga karatig nitong lugar.

Ayon kay Phivolcs Dir. Renato Solidum, isa sa malakas na aftershocks ay magnitude 5.3.

Sa pagtaya ni Solidum, tatagal pa ang ganitong sitwasyon hanggang sa mga susunod na linggo.

Pero mas mahihina na umano ang pagyanig habang tumatagal, ngunit mahalaga pa rin na maging handa dahil may mga istrakturang humina na dahil sa magkakasunod na lindol.

Mino-monitor din ng mga otoridad ang Mt. Apo Power Plant, kung saan may mga linyang napinsala.

Bagama’t may apat na patay at may ilang sugatan, naniniwala si Solidum na aware na sa kanilang gagawin ang mga tao kaya hindi gaanong malawak ang casualties.

Nauna nang nagsilikas ang mga residente at kalaunan ay bumalik na lamang nang mabatid na walang mangyayaring tsunami.