-- Advertisements --

Kinalabit na ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Nicolas Torre III ang pamunuan ng National Capital Region Police Office na magsagawa ng “honest to goodness” threat assessment.

Ito ay bilang paghahanda para sa nalalapit na ika-4 na SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa Hulyo 28 ng taong ito.

Layon ng mandatong ito na matukoy ang mga kakailanganing adjustment ng mga tauhan ng NCRPO sa paglalatag ng seguridad para sa naturang aktibidad.

Sa isang pahayag ay sinabi ni PNP Spokesperson, Police Brigadier General Jean Fajardo na kabilang sa kanilang kinokonsidera ay kung ilang grupo ang lalahok sa gaganaping aktibidad maging ito man ay pro at anti- administration.

Sinabi ni Fajardo na kanilang pagaganahin ang Task Force “Manila Shield” o pagpapakalat ng mga karagdagang tauhan mula sa Central at Southern Luzon.

Ito ang magsisilbing katuwang sa pagpapatupad ng border control.

Batay sa datos ng PNP, abot sa 11,949 o halos 12,000 mga pulis na idedeploy sa araw ng SONA ng pangulo na layong matiyak ang ligtas, mapayapa at maayos na pagdaraos ng nasabing programa.