-- Advertisements --

Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa publiko sa banta ng posibleng phreatic o minor phreatomagmatic eruption sa bulkang Taal sa gitna ng pagtaas ng seismic activity nito.

Sa advisory ng ahensiya nitong Linggo, iniulat nito na nakapagtala ang mga istasyon ng Taal Volcano Network sa Taal Volcano Island ng pagtaas sa real-time seismic energy measurement kasabay ng magkakasunod na volcanic tremor.

Ayon sa Phivolcs, ang pagtaas sa seismic activity gayundin ang kawalan ng naobserbahang degassing mula sa main crater ay maaaring indikasyon na naharangan o nabaraduhan ang daanan ng volcanic gas sa loob ng bulkan na posibleng magresulta sa panandaliang pressure sa loob at mag-trigger sa phreatic o minor phreatomagmatic eruptions.

Kaugnay nito, patuloy na pinapaalalahanan ang publiko na nananatiling nakataas ang Alert Level 1 sa bulkan, ibig sabihin nasa abnormal pa rin na kondisyon ang bulkan at hindi dapat ikonsiderang wala ng unrest o panganib ng pagsabog.

Ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa Taal Volcano Island at ang pagpapalipad ng sasakyang panghimpapawid malapit sa crater.