Ibinabala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang posibleng lahar mula sa bulkang Kanlaon bunsod ng mabibigat na pag-ulang nararanasan sa Negros dulot ng bagyong Basyang.
Kaugnay nito, inirerekomenda ng state volcanologists ang ibayong pag-iingat at paghahanda lalo na sa mga komunidad sa pre-determined zones ng lahar at kaugnay na hazards partikular na sa mga sumusunod na lugar sa Negros Island.
Kabilang na sa Bago City, La Carlota City, La Castellana, Moises Padilla, San Carlos City, Negros Occidental, Canlaon City at Negros Oriental.
Pinag-iingat ng Phivolcs ang mga residente sa mga nabanggit na lugar lalo na ang mga malapit sa ilog, na maaaring maapektuhan ng lahar, mga baha na may dalang putik o buhangin at iba pa habang patuloy ang mga pag-ulan.
Paliwanag ng ahensiya na maaaring mabuo ang lahar pagkatapos ng pagsabog bunsod ng matinding pag-ulan na nagreresulta sa pagguho ng loose material mula sa remnant pyroclastic density current deposits noong sumabog ang bulkan noong Oktubre ng nakalipas na taon at ang loose ashfall mula rito gayundin ang kamakailang ash emission events.
Pinapayuhan din ang mga residente na maghanda para sa posibleng paglikas. Sa ngayon, nananatili sa Alert Level 2 ang bulkang Kanlaon.
















