-- Advertisements --

Idineploy ng US Pacific Air Forces (PACAF) ang isa sa most advanced fighter jets nito na F-35 Lightning II stealth fighter jets sa Cope Thunder 2025 military exercise sa kauna-unahang pagkakataon.

Ito ay kasabay ng pagsisimula ng bilateral military drills sa pagitan Philippine Air Force at PACAF na isasagawa sa West Philippine Sea at tatagal ng halos dalawang linggo mula kahapon, July 7 hanggang 18.

Ang F-35 ay itinuturing na isa sa pinaka-advance, versatile at lethal fighter jets sa buong mundo.

Ayon kay Lt. Col. Bryan Mussler, Commander ng 421st Fighter Squadron ng PACAF, ang F-35 ay isang fifth generation aircraft na ginawa para sa karagdagang offensive counter air at interdiction purpose.

Aniya, ang kanilang pakikilahok sa pagsasanay ay hindi gaanong nauugnay sa kakayahan ng sasakyang panghimpapawid kundi higit sa lahat ay sa mga taong kalahok dito. Ang F-35 din aniya ay ang pundasyon ng mga pwersa ng US at mayroon silang malakas na relasyon sa PAF. Inaasahan dito ang pagpapalakas pa ng alyansa at patuloy na pagsasama ng dalawang pwersa.

Para naman sa Philippine Air Force, sinabi ni Col. Jonathan de Leon, Cope Thunder – PAF Exercise Director na mas maganda ang impact ng presensiya ng F-35 fighter jet sa kanilang pagsasanay dahil isa itong malaking pagkakataon para mahasa pa ang kanilang interoperability, koordinasyon at epektibong operasyon sa pagharap ng mga hamon sa rehiyon.

Ang kahalagahan din aniya nito ay mai-expose at mahahasa ang kapasidad ng PAF sa pag-operate ng ganitong uri ng sasakyang panghimpapawid.

Ito naman na ang ikalawang iteration ng naturang pagsasanay kasunod ng unang iteration ng Cope Thunder 2025 na ginanap noong April.