-- Advertisements --

Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kasalukuyang naka-house arrest sa loob ng kampo ng militar ang isang mataas na opisyal ng Philippine Air Force na inakusahan ng sexual assault ng kaniyang dalawang junior officers na nagsisilbing office assistants niya.

Sinampahan ang senior official sa prosecutor’s office ng joint criminal complaint para sa rape sa pamamagitan ng sexual assault at attempted rape sa pamamagitan ng sexual assault.

Ito ay matapos na makahanap ng prima facie evidence sa ikinasang imbestigasyon kung saan nagpakita ang opisyal ng conduct unbecoming of an officer at conduct prejudicial to good order and military discipline.

Agad namang sinibak sa pwesto ang opisyal pagkasampa ng mga reklamo laban sa kaniya.

Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, nakabinbin ang kaso para sa approval ni AFP chief of staff Gn. Romeo Brawner Jr. na magsisilbing convening authority para sa General Court Martial proceedings.

Haharap ang high-ranking military official sa paglilitis sa ilalim ng Articles of War 96 at 97.

Ipinaliwanag naman ni Col. Padilla na mananatili sa kustodiya ng AFP ang inaakusang opisyal base sa Articles of War 75, kung saan nakasaad na ang sinumang indibidwal na subject sa batas militar na hawak ng mga military authorities para sa pagsagot o naga-antay ng trial o resulta ng trial o sumasailalim sa sentensiya para sa krimen o pagkakasalang pinaparusahan sa ilalim ng Articles of War, maaaring panatilihin ng AFP ang kustodiya, kahit na mayroon ding hurisdiksyon ang civilian court.

Subalit, tiniyak naman ng AFP official na makikipagtulungan ang militar at tatalima sakali mang mag-isyu ang korte ng warrant of arrest, commitment order o anumang legal na direktiba laban sa PAF official.

Inaasahang makukumpleto ang proceedings sa loob ng anim na buwan subalit posible itong mapalawig depende sa pagiging kumplikado ng kaso, availability ng mga testigo at mga mosyong ihahain ng sangkot na mga partido.