Walang dapat ika-alarma ang publiko ukol sa malaking ahas na nahuli sa bisinidad ng Villamor Air Base sa Pasay City, ayon sa Philippine Air Force.
Paliwanag ni Phil Air Force Commander Lt. Gen. Arthur Cordura, posibleng nagmula sa mga katabing komunidad ang naturang ahas dahil sa makakatabi at konektado lamang ang drainage area sa mga lokalidad malapit sa paliparan.
Maaari aniyang dahil sa mga serye ng pag-ulan at mga pagbaha ay naligaw ang naturang ahas at tuluyang nakarating sa airbase hanggang satuluyan nang nakita ng mga air force personnel.
Kaninang umaga (Aug. 4) nang nahuli ang naturang ahas, ilang oras lamang bago ang tuluyang pagbiyahe ni President Ferdinand R. Marcos Jr. papuntang India para sa kaniyang limang araw na pagbisita.
Ayon kay Cordura, bagaman ‘unusual’ ang ganitong pangyayari, kailangan ding gumawa ng hakbang ang hukbo upang mapigilan ang pagkakapasok ng mga ahas sa bisinidad ng paliparan sa hinaharap.
Sa kasalukuyan, nasa maayos na kalagayan na ang personnel na natuklaw.
Ayon sa heneral, nabigyan na siya ng anti-tetanous dahil non-venomous naman ang naturang ahas.
Ayon pa sa air force chief, may mga pagkakataon na ring nakakakita ng ahas sa bisinidad ng Villamor, lalo na sa mga mga panahong may mga ginagawang paghuhukay atbpang maintenance operation sa palibot ng paliparan.
Giit ng heneral, hindi dapat ito ikabahala ng publiko.