Sinimulan na ng Pilipinas at Japan ang kanilang unang joint military drill sa ilalim ng Reciprocal Access Agreement (RAA) na naging epektibo noong Setyembre 11 na layong palawakin ang kooperasyon sa depensa ng dalawang bansa.
Ayon sa Department of National Defense (DND), ang combined training exercise na “Doshin-Bayanihan 5-25” ay gaganapin sa Mactan Air Base, Cebu mula Oktubre 7 hanggang 11 sa pagitan ng Philippine Air Force (PAF) at Japan Air Self-Defense Force (JASDF).
Nakatuon ang pagsasanay sa humanitarian assistance at disaster response, kabilang ang operasyon ng paghahatid ng tulong sa mga komunidad na naapektuhan ng lindol sa Cebu.
Lalahok dito ang C-130 aircraft ng JASDF na may 30 personnel at isang UH-1 helicopter ng PAF.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang DND sa Japan sa pagpapadala ng humanitarian aid para sa mga biktima ng magnitude 6.9 na lindol sa Northern Cebu.
Giit ng DND, ipinapakita ng aktibidad ang kahalagahan ng kasunduan sa pagpapalakas ng defense cooperation, interoperability, at sa pagpapatatag pa ng seguridad at katatagan sa rehiyon.