-- Advertisements --

Hahalili si Senate Committee on Finance Chairman Sen. Win Gatchalian kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa upang depensahan ang panukalang pondo ng Department of National Defense (DND) at iba pang mga ahensya para sa 2026 na nakatakdang talakayin bukas sa plenaryo ng Senado.

Sa panayam, kinumpirma ni Gatchalian na nag-abiso ang tanggapan ni Dela Rosa na hindi makadadalo ang senador para depensahan ang budget ng DND. Dagdag niya, walang ibinigay na paliwanag si Dela Rosa hinggil sa kanyang pagliban.

Ayon pa kay Gatchalian, walang parusa kung hindi makadadalo ang dapat na sponsor ng budget dahil bilang pinuno ng finance committee, handa naman siyang akuin at ipagtanggol ang panukalang pondo.

Paliwanag pa niya, dinaluhan niya ang committee hearings ng bawat ahensya ng gobyerno kahit hindi siya ang chairman ng subcommittee, kaya pamilyar siya sa kanilang mga pondo.

Nang tanungin kung maaari bang depensahan ni Dela Rosa ang DND budget sa pamamagitan ng video conferencing, sinabi ni Gatchalian na batay sa umiiral na polisiya ay hindi ito pinapayagan.

Samantala, sinabi ng senador na hindi niya alam kung may inilabas nang warrant of arrest laban kay Dela Rosa, dahil ang kanyang pangunahing inaasikaso ngayon ay ang maaprubahan ang pambansang pondo para sa 2026.

Gayunpaman, iginiit ni Gatchalian na kung mayroon mang arrest warrant laban kay Sen. Dela Rosa, hindi ito maaaring isilbi habang nasa Senado ang mambabatas bilang paggalang sa institusyon.