-- Advertisements --

Iminungkahi ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian ang adjustment sa schedule ng pagtalakay ng Kongreso sa pambansang pondo.

Ginawa ito ng senador kasabay ng aniya’y ‘nagahol’ na pagtalakay sa 2026 Budget, at tuluyang nagresulta sa reenactment ng 2025 Budget sa loob ng ilang araw.

Pinaliwanag ni Gatchalian, sa ilalim ng bagong transparency initiatives na pinatupad sa budget process, hindi uubra ang dating schedule na sinusunod para talakayin ng dalawang kapulungan ng kongreso ang panukalang pondo.

Ang mga itinatakda ng lumang calendar ay hindi na aniya akma sa mga susunod na taon kung susundin pa rin ang ipinatupad na transparecy measures tulad ng ginamit ngayong taon, tulad ng livestreaming hanggang sa mismong Bicam deliberations.

Ayon sa senador, posibleng ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng bansa na Disyembre-29 na ngunit nagsasagawa pa rin ng ratification sa panukalang pondo.

Kabilang sa mga nais ipanukala ng Finance Committee chair ay ang pagsisimula ng briefing, oras na naisumite na ang National Expenditure Program (NEP).

Maaari aniyang simulan ang mahabang deliberasyon pagkatapos ng State of the Nation Address ng pangulo sa buwan ng Hulyo.