BACOLOD CITY – Nagmadaling nag-evacuate ang mga residente na hindi kinaya ang epekto ng ashfall at amoy ng asupre mula sa pagputok ng Bulkang Kanlaon, matapos ang naitalang moderate explosive eruption kahapon.
Apektado ang hindi bababa sa 24 barangay sa iba’t ibang bayan ng Negros Occidental, kabilang ang La Carlota, Bago City, Hinigaran, Pontevedra, at La Castellana.
Ilan sa mga residente ay lumikas mula sa kanilang tahanan at nagtungo sa evacuation center sa La Carlota South 1 Elementary School, na pansamantalang tinutuluyan ng mga apektado.
Sa panayam ng Star FM Bacolod kay Rifle Castillo Aguirre ng La Castellana, ibinahagi niya na may trauma pa rin sila mula sa nakaraang pagsabog, kaya’t labis ang kaba nila ngayon.
Aniya, laking gulat nila nang muling marinig ang malakas na pagsabog ng bulkan.
Nagpaabot na ng paunang tulong ang LGU, kabilang ang hygiene kits at pagkain.
Ilang bahay naman ang napinsala, partikular ang mga bubong na nasira dahil sa pagbagsak ng abo at asupre.















