-- Advertisements --

Nakapagtala kanina ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng magkahiwalay na aktibidad sa dalawang bulkan sa bansa.

Sa Taal Volcano, nagkaroon ng mga minor phreatomagmatic eruptions sa Main Crater mula 7:13 AM hanggang 7:17 AM.

Ang mga pagsabog ay lumikha ng plume na umabot sa 450 metro taas, batay sa kuha ng Main Crater Observation Station gamit ang IP at thermal cameras.

Sa kabila nito, nananatiling nasa Alert Level 1 ang Taal Volcano.

Samantala, sa Kanlaon Volcano, isang mahina ngunit malinaw na crater glow ang namataan sa tuktok mula 3:40 AM hanggang 4:30 AM.

Ayon kay Phivolcs resident volcanologist Mari‑Andylene Quintia, ang glow ay indikasyon na maaaring may magma na umakyat sa mababaw na bahagi ng bulkan. Ipinaliwanag niya na posibleng precursor ito ng isang magmatic o explosive eruption, ngunit masyado pang maaga para matiyak.

Dagdag pa ni Quintia, patuloy na imo-monitor ng Phivolcs ang crater ng Kanlaon. Kung magpapatuloy o lalakas ang glow, maaaring itaas ang kasalukuyang Alert Level 2.

Naitala rin na noong Mayo ay nagkaroon ng katulad na glow na tumagal ng dalawa hanggang tatlong araw bago mawala.