Nanindigan si Senate Finance Committee chair, Sen. Sherwin Gatchalian na gagamitin pa sa mga susunod na budget deliberations ang mga repormang ipinatupad at sinunod sa pagbuo ng 2026 National Budget.
Pangunahin dito ang livestreaming sa deliberasyon ng Bicameral Conference Committee, na unang pagkakataong nangyari sa kasayaysan ng bansa.
Ayon kay Gatchalian, ang pagsasapubliko sa Bicam meetings ay salig sa Senate resolution na itinulak ni Senate Pres. Vicente Sotto III, bagay na susundin na rin sa mga susunod na taon.
Kabilang din dito ang pag-upload sa mga dokumentong nakapaloob sa pambansang pondo, at lahat ng nilalaman ng pondo.
Ayon kay Gatchalian, kailangang matiyak na ang ma-upload na pondo ay maiiintindihan ng lahat ng mga makakabasa nito, mula sa mga tecnical content hanggang sa mga paliwanag ukol sa nilalaman ng mga naturang dokumento.
Kailangan din aniyang matiyak na ang mga dokumento ay machine-readable, para mas madalijng ma-access at maintindihan, lalo na ng mga analysts, kritiko, at ng publiko.
Nais ding isulong ng senador na bawat ahensiya ng pamahalaan ay mag-upload ng kanilang mga panukalang pondo at proyekto, upang maaaring ikumpara ng publiko ang nilalaman nito, at ang inaprubahan ng Kongreso.
Lahat ng paraan ng accountability at transparency na maaaring sundin sa budget deliberations, ayon kay Gatchalian, ay kailangang sundin at ipatupad upang masigurong bukas malinis ang naaaprubahang pondo ng Pilipinas, taon-taon.
















