Nagpaliwanag si Senate Pres. Vicente Sotto III sa maagang pagbabalik ng Senate Blue Ribbon Committee para sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa nabunyag na korapsyon sa mga flood control project sa bansa.
Ayon kay Sotto, nag-aalala sila ni Senate Blue Ribbon Chairman Sen. Ping Lacson sa mga napapaulat na recantation o pagbawi sa mga naunang pahayag ng ilang sangkot sa anomalya.
Unang inanunsyo ni Sen. Lacson na pagsapit ng Enero-19 ay bubuksan muli ang pagdinig ng kaniyang komite, kasama ang planong pag-imbita sa ilang personalidad na dati nang pinapangalanan sa mga naunang pagdinig.
Paliwanag ni Sotto, motu proprio ang komite kaya hindi na kailangan ng resolusyon, privilege speech, o anumang panukalang batas para simulan o ituloy ang naumpisahan na nitong pagdinig.
Maari aniya itong gawin ng makapangyarihang komite kahit naka-break pa ang Senado.
Ayon pa kay Sotto, unang nagpa-alam sa kaniya si Sen. Lacson at nangako rin ang ibang mga senador na dadalo sa pagdinig.
Una nang napaulat ang umano’y pagbawi ng ilang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kanilang mga binitawang testimoniya, sa kabila pa ng kanilang ‘pagsasauli’ sa Department of Justice sa malalaking halaga ng ninakaw na pera.
Sa kasalukuyan ay nakakulong sa Senado sina Curlee Discaya, Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza, apat sa mga itinuturong sangkot sa nabunyag na flood control corruption.
Inaasahang maglalabas ang Senado ng imbitasyon para sa resource persons sa mga susunod na araw.
















