-- Advertisements --

Hindi bababa sa 3,589 na indibidwal mula sa 983 pamilya ang inilikas mula sa ilang bayan at lungsod sa lalawigan ng Albay dahil sa patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon, ayon sa mga opisyal ng probinsya nitong Huwebes.

Batay sa datos ng Albay Provincial Information Office, ang mga evacuee ay nagmula sa Tabaco City at sa mga bayan ng Malilipot, Camalig, Guinobatan, at Ligao City. Karamihan sa kanila ay naninirahan sa loob o malapit sa mga itinalagang danger zone ng bulkan.

Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na nakapagtala ito ng dome-collapse pyroclastic density current (PDC) kaninang alas-6:51 ng umaga, na nagbuga ng ash plume na umabot sa tinatayang 1,000 metro ang taas.

Kinumpirma rin ng PHIVOLCS ang pag-ulan ng abo sa ilang bahagi ng Legazpi City, Ligao City, at sa mga bayan ng Bacacay, Camalig, at Daraga.

Nanatili parin sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon, na nangangahulugang may magmatic unrest at mas mataas na posibilidad ng pagputok ng bulkan.

Nagbigay babala din ang mga awtoridad sa posibleng pagdaloy ng lahar tuwing may malakas at tuluy-tuloy na pag-ulan, lalo na’t patuloy ang naiipong volcanic materials sa mga dalisdis ng Mayon.

Mahigpit din na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone ng bulkan dahil sa banta ng lava flows, at rockfalls.