Muling nagbabanta ang ashfall at rockfall sa mga komunidad malapit sa Bulkang Mayon kasunod ng pag-agos ng malaking bulto ng lava kaninang umaga, Pebrero 13.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), alas-5:31 ng umaga nang mamonitor ang lava flow na tumagal ng ilang minuto.
Dahil dito, nagbabala ang ahensya sa posibleng pagbagsak ng malalaking tipak ng bato na maaaring umabot sa ilang kilometro mula sa bunganga ng bulkan.
Posible ring muling maranasan ang ashfall sa mga karatig-bayan, gaya ng naunang insidente sa Camalig ilang araw na ang nakalipas.
Nananatili sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon mula pa noong unang linggo ng Enero, indikasyon ng patuloy na aktibidad nito.
Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa permanent danger zone sa paligid ng bulkan.















