-- Advertisements --

Pumalo na sa 32 barangay sa lalawigan ng Albay ang nakaranas ng ashfall o pag-uulan ng abo bunsod ng patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.

Batay sa monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), kabilang sa mga apektadong lugar ang mga lungsod at bayan ng Ligao, Guinobatan, at Camalig.

Paliwanag ng ahensya, ang nasabing abo ay nagmula sa mga rockfall events at pyroclastic density currents (PDC) na tinangay ng hangin patungo sa mga nasabing komunidad.

Agad namang naglabas ng abiso ang mga otoridad sa mga residente, lalo na sa mga may sakit sa baga, matatanda, at mga bata, na mag-ingat sa epekto nito sa kalusugan.

Pinapayuhan ang publiko na magsuot ng face mask o gumamit ng basang tela pantakip sa ilong at bibig, at manatili sa loob ng bahay kung kinakailangan.

Sa ngayon, nananatili sa Alert Level 3 ang status ng bulkan na nangangahulugang posible pa rin ang mapanganib na pagsabog sa loob ng ilang linggo o araw.

Mahigpit ding ipinapaalala ang pagbabawal sa pagpasok sa 6-kilometer Permanent Danger Zone (PDZ).