-- Advertisements --

Patuloy ang pag-aalburuto ng Bulkang Mayon matapos maitala ang lava effusion at minor strombolian activity mula sa bunganga nito, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Ayon sa ahensya, naobserbahan ang panaka-nakang pagputok ng bulkan at pag-agos ng lava effusion dakong alas-6:52 ng gabi, alas-8:01 ng gabi, alas-8:29 ng gabi, at alas-9:30 ng gabi nitong Hulyo 13, 2026.

Nakuhaan ang aktibidad ng Bulkan sa pamamagitan ng RasPiCam ng PHIVOLCS sa Mayon Volcano Observatory.

Batay sa ahensya ito na ang ika-189 na araw ang effusive eruption ng Bulkang Mayon, na nagdudulot ng patuloy na pagbuo ng lava flow at pagguho ng mga bato mula sa bulkan.

Nanatili naman sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon, na nangangahulugan ng mataas na posibilidad ng patuloy na pagputok at pagbuga ng lava.

Pinaalalahanan ng PHIVOLCS ang publiko na mahigpit na ipagbawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa panganib na dulot ng lava flow, rockfall, at iba pang aktibidad ng bulkan.