-- Advertisements --

Muling nakapagtala ng lava effusion ang Bulkang Mayon noong Miyerkules ng gabi, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Naitala ang pag-agos ng lava mula alas-8:54 hanggang alas-9:02 ng gabi noong Hunyo 24, 2026. Ito na ang ika-170 sunod na araw ng patuloy na pag-aalburuto ng bulkan.

Ayon sa PHIVOLCS, patuloy na nakakapaglabas ang Bulkang Mayon ng lava flows, pyroclastic density currents o “uson,” at mga rockfall mula sa bunganga nito.

Noong nakaraang linggo, naitala rin ang pagguho ng bahagi ng lava dome na nagdulot ng karagdagang mapanganib na pag-agos ng materyal mula sa bulkan.

Nanatiling nakataas sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon, na nangangahulugang may patuloy na pagtaas ng aktibidad ng magma sa loob ng bulkan.

Muling nagpaalala ang mga awtoridad na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometrong permanent danger zone sa paligid ng bulkan dahil sa panganib ng biglaang pagsabog at pagdaloy ng mapanganib na mga materyal sa bulkan.