-- Advertisements --

Biglang tumaas ang sulfur dioxide o SO2 emission ng Mayon Volcano, na maaaring maging senyales ng posibleng pagbabalik ng aktibidad ng bulkan, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Umabot na kasi sa 8,393 tonelada kada araw ang SO2 emission ng Mayon nitong Lunes, Agosto 17. Ito na ang pinakamataas na naitala mula nang magsimulang bumaba ang volcanic gas concentrations ng Mayon noong Hulyo 16.

Mula nang ibaba sa Alert Level 2 ang status ng Mayon noong Agosto 5, nasa average lamang na 2,532 tonelada kada araw ang SO2 emission nito.

Napansin din ng PHIVOLCS ang panandaliang pagmamaga o pagtaas ng pressure ng bulkan.

Bagama’t nananatili sa background level ang volcanic seismicity at real-time seismic energy release, sinabi ng mga volcanologist na maaaring magbabala ang mataas na SO2 emission sa posibilidad ng panibagong eruptive activity.

Kapag nagkaroon ng panibagong pagsabog, maaaring magkaroon ng mapanganib na pyroclastic density currents o uson, rockfall, ballistic fragments at malawakang ashfall.

Sa ngayon nanatili sa Alert Level 2 o moderate level of unrest ang Mayon Volcano.

Mahigpit na pinaalalahanan ang publiko na huwag pumasok sa 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) ng bulkan.