Muling nagtala ng moderate explosive volcanic eruption ang Mayon Volcano ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Kasabay ng pagdaloy ng pyroclastic density currents (PDCs) na dulot ng nagbabagang lava mula sa bunganga ng bulkan.
Ayon sa PHIVOLCS, naitala ang sunod-sunod na strombolian eruptions bandang alas-6:46 ng gabi, hanggang alas-8:21 kagabi.
Ang mga aktibidad ay nakuhanan ng video ng PHIVOLCS Quick Response Team na naka-deploy sa Mayon Volcano Observatory.
Sa kabila ng pagsabog, sinabi ng ahensya na nagpapatuloy pa rin ang effusive eruption ng Bulkang Mayon, na umabot na sa ika-193 magkakasunod na araw.
Patuloy itong nagbubuga ng nagbabagang lava at nagdudulot ng mga rockfalls sa mga dalisdis ng bulkan.
Dahil dito, nananatiling umiiral ang Alert Level 3 sa Bulkang Mayon, na nangangahulugang may mataas na antas ng volcanic unrest at nananatiling posible ang karagdagang mapanganib na pagsabog.
Muling pinaalalahanan ng PHIVOLCS ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa banta ng biglaang pagsabog, pagdaloy ng pyroclastic density currents, pagguho ng bato, at iba pang volcanic hazards.
















