Nagtala ng lava flow at moderate strombolian activity sa ika-192 araw ang Mayon Volcano ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ilang beses na naobserbahan ang pagdaloy ng lava at katamtamang pagsabog mula sa bunganga ng Mayon nitong Miyerkules ng gabi.
Batay sa tala ng PHIVOLCS Quick Response Team, apat na magkakahiwalay na volcanic activity ang naitala sa loob ng magdamag.
Patuloy ring naglalabas ang bulkan ng lava, pyroclastic density currents o mas kilala bilang “uson,” at mga gumuguhong bato mula sa dalisdis ng bulkan.
Dahil dito, nananatiling umiiral ang Alert Level 3 sa Bulkang Mayon.
Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone dahil sa banta ng biglaang pagsabog, pagdaloy ng lava, pagguho ng bato, at iba pang mapanganib na volcanic activity.
















